Wednesday, July 29, 2009

bubwit

miskol galing sa isang landline ang nakuha ko kahapon at dahil sa hina ng cellphone ko o dahil sa bingi ng tengga ko ay ilang beses ko hindi nasagot ang tawag.

nilapit ko na sakin ang cellphone ko para kapag may tumawag ulit ay masagot ko na.

ring...

hello kumag? sabi sa kabilang linya.

kilala ko na ang boses galing sa classmate ko nung highschool.

o bakit? ano meron? tanong ko.

samahan mo naman ako sa miyerkoles punta ko ng Pagcor.

weh anong meron dun?

basta sumama ka nalang, tapos nun punta tayo sa rob ermita ikot-ikot, kape na din.

kahit nagdadalawang isip ay umoo naman ako kahit may papanoorin sana akong show sa araw na yon.

sabi ko yun lang ba? sige tawag nalang ulit ako sayo ha.


binababa ko na ang telepono.


sa isip ko ayaw ko talaga sanang sumama kaso ang hirap mag sabi ng "hindi" sa isip ko sa mismong araw nalang ako magsasabi na hindi ako pwede. pero naisip ko minsan lang naman kami lumabas ng classmate ko na to at magtatampo daw siya kapag hindi ako sumama.

sa madaling salita, sumama ako

gabi ng martes

bago pa man mag hapunan ay namalengke muna ako at pagkatapos mamili ng ulam ay nagpunta ako sa hardware para mag hanap ng fly paper.

pag dating ko doon ay may naunang costumer sa akin at bilang isang magalang na tao ay hindi muna ako sumasabat sa usapan nila, intsik na babae yung may ari ng tindahan pero nanagalog naman kaya hindi ko na kailangan mag construct ng english sentence sa utak ko, sabi ko pa mapapabilis na din ang pag bili ko.

umalis na yung naunag costumer mag sasalita na sana ako ng may marinig akong tinig

"may barnish kayo?" galing sa isang batang bibo.

anak ni taning! mag bibitaw na sana ako ng linya na " pabili ng fly paper" naunahan ako ng bibong bata.

mabuti nalang ay nirefer sya sa isang tauhan ng hardware at inasikaso na ako ng intsik na ali

" ano hanap mo? " wow tagalog hehe easy lang to.

meron kayong fly paper?

huh? yada yada yada... at napakaraming yada!

shet hindi ako maintindihan ng aleng intsik at hindi ko din maintindihan ang mga sinasabi nya kaya yada yada nalang ang sinulat ko.

may isang concern citizen at nag dayalog na, " yung fly paper ng baygon, yung madikit.

ah!.. yung papel na madikit sabi ng ale,

ting! kumislap ang gilid ng mata ko, sa wakas at naunawan din nya ang mga pinagsasabi ko, medyo naging abala siya para hanapin ang madikit na papel at ilang sandali pa.

cheden! cheden! cheden!

buong giliw nyang inaabot sa akin ang isang bagay na kinalaglag nalang ng panga ko.

bakit nya ako inaabutan ng packing tape na gawa sa papel?

pilit pinoproseso ng kulot kulot kong utak ano ang koneksyon ng packing tape sa binibili ko sa tindahan nya, mabuti nalang nagpaliwanag ang aleng intsik. at ito ang paliwanag nya.

"ayan oh, madikit at papel."
may point nga naman siya

salamat at nagbigay siya ng paliwanag kung bakit ayun ang inabot nya sa akin kung hindi ay baka natuluyan nalang nawala ang itim ng mata ko sa paniningkit. at kahit medyo tuliro pa ako sa pangyayari ay nagawa ko pa din sumagot.

ay hindi po yan, iba po yung binibili ko.

ay hindi ba ito? sambit nya at sabay turo sa mga nakasabit sa bandang kanan nya, ayan saan ba dyan?

pag tingin ko sa kanan aba maraming nakasabit may

packing tape na gawa sa plastic at papel
electrical tape
mga reflectorize na tape
at kung ano ano pa, may nakita pa akong kadena ng aso.

ah hindi po yan yun, fly paper po.

ah fly paper ba? wala kami nun! sabay talikod.

ay AMBOT!!! ayun nalang ang nasabi ko.

lipat ulit ng tindahan at sa pagkakataong ito ay nakabili na ako.

sa bahay.

maingat ko na pinaghihiwalay ang dalawang magkadikit na piraso ng fly paper ng baygon, gusto ko kasing mahuli ang mga bubwit na nakikita kong namamasyal sa kusina at sala namin. nang nahiwalay ko na, nilagay ko ito kung saan madalas kong makitang nagdadaan ang mga tropa ni mickey mouse.

mga ilang saglit pa, may naririnig akong kuluskos parang horror movie lang ang dating kahit medyo kabado ay hinanap ko kung saan galing ang ingay.

jackpot!

huli na ang isang bubwit at dahil doon ay ginanahan akong manghuli hehe habang naka log in ako sa FB ay nag iintay ako ng iba pang bubwit na mahuhulog sa patibong ko. ang tantya ko kasi ay tatlo sila mga asungot na panay ang gapang sa sahig namin sa hindi ko malamang kadahilanan ay kung paano sila nakapasok sa bahay namin.

mga ilang minuto pa ay nakahuli ako ng limang bubwit at kahit parang tanga lang ako na iwas na iwas sa fly paper dahil bukod sa takot ko sa kamatayan ay pasok din sa unang lima ang mga daga sa kinakatakutan ko sa buhay. iwas lang ng iwas at dahil doon muntik ko pa silang matapakan dahil na naman sa kaengutan ko, tumatapak ako sa sahig na malapit sa kanila at kaya ako napatapak doon aynakimutan ko na doon pala nakapwesto ang fly paper kaya na pa cha cha nalang ako sa kakaiwas habang malakas ang lakas ang kabog ng dibdib ko. engot talaga.

laitin mo na ako ngayon kung sino ka man pero takot talaga ako sa daga.

sa isang patibong ko ay may tatlong bubwit na nabiktima at sa kabila naman ay dalawa,

aba!? anak ng mga pagong na walang bahay sa likod!!!

akala ko tatlong mag katropang bubwit lang ang tinatambangan ko lima pala sila, siguro may isang nakakadiring inahing daga na ginawang "lying-in" ang isa sa parte ng bahay namin ng hindi nagpapaalam samin, natunugan nya siguro na wala kaming alang pusa at nagdesisyon syang isilang ang mga nakakadiring nyang mga babies kung saan man sa loob ng bahay namin.

hindi pa naman biro ang bilang ng sanggol ng nanay na daga, baka mga sampu o lagpas pa at dahil dyan ay kailangan ko magtanim ng maraming patibong sa loob ng bahay.

ang bilang na limang bubwit ay hindi na din masama kaya naman ako ay matutulog ng may ngiti sa aking mga labi.

nahiga na ako at nagsubok matulog.

naisip ko na naman, may lakad pala kami ng classmate ko bukas pero tinatamad pa rin ako, sa kakaisip ko ng lakad namin ay nagising ng husto ang diwa ko, pag silip ko ng oras sa cellphone ko ay ala una na at kailangan magising ako ng ala sais ng umaga. pero dahil sa kakaisip ko kung sasama ba ako o hindi lalo nalang naging mulat ang diwa ko.

alas dos na gising pa din, lahat ata ng pwesto sa paghiga nasubukan ko na pero hindi ako makasagap ng signal ng antok.

alas tres na at masakit na ang ulo ko, nappressure na ako dahil kaunti nalang ang itutulog ko pero ito ako, dilat na, mulat pa!

bangon, sindi ng yosi, inom ng gatas.

balik sa higaan, pumikit

ayon tulog na ata ako.

may karugtong.

Tuesday, July 28, 2009

na uuta na ako


halos isang dekada na pala si PGMA sa upuan nya sa palasyo. hindi ko namalayan na sa bawat pikit ko gabi gabi ay umabot na pala sa walo o siyam na taon ang pagkapanggulo ni GMA.

naalala ko pa ang mga masasaya at hindi malilimutang mga eksena sa Edsa. isa ako sa mga estudyante na dumalo sa kaganapan na yun. Pumunta kami doon isang araw bago dumaan si erap sa likod ng palasyo para hindi abutin ng mga taong nagrarally. at ang kaganapang iyon ang simula ng kwento ng pilipinas sa pamumuno ni gloria.

bakit ba ako sumama sa edsa noon? ang alam ko lang ay may gusto akong ipaglaban at iensayo ang aking karapatan. siguro dala ng pagkamapusok ng kabataan ko at nagkataon na may kaparehong saloobin ako sa mga kaeskwela ko kaya naman napasama kami sa pag punta ng edsa.

mula sa unibersidad na pinapasukan ko sa cavite papuntang edsa ay nakatayo lang kami sa bus dahil sa dami ng estudyanteng dadalo.

naalala ko doon ko unang pinakinggan mabuti ang kantang "cruisin" yung duet na kanta. trapik buti may radyo sa bus

ilang bus kaming tumulak papuntang edsa pero nahihirapan kaming lumuwas papuntang manila dahil hinaharang ang mga sasakyan lalo na ng mga rallista, balita ko isang senador na ngayon ang nagpapaharang ng mga rallista na di naglaon ay kumampi din kay gloria at ngayon ang napipintong pagtalikod na naman nya kay gloria.

pag dating sa edsa, ang daming tao mapupusok at mga palaban meron silang mga bitbit na plakard at kung anu-anong mga "chant" ang mga sinisigaw nila. tumuloy muna kami sa La Salle Greenhills para ayusin ang mga gamit namin bago kami sumabak sa rally.

fast forward

napatalsik si erap at pinalitan ni gloria.

ang pilipinas. ilang buwan lang ang nakakaraan, nagtangkang magkaroon ulit ng isa na namang Edsa power para patalksikin si gma ngunit sa kakulangan ng suporta hindi ito nagtagumpay.

impeachment at sinundan pa ng napakaraming impeachment ayan ang pinagkaka abalahan ng oposisyon sa senado bukod siguro sa pag liban nila sa pagpasok o pagbabakasyon sa ibang bansa.

iskandalo ng first gentlemen na sinundan pa ng sunod sunod na iskandalo ng asawa ni gma.

reklamo at rally ng taong bayan na sinundan pa ng napakaraming rally ng taong bayan.

krisis sa bigas, petrolyo na sinundan pa ng napakaraming krisis ng bigas at petrolyo.

mga nasalantang pilipino na sinundan pa ng mga napakaraming nasalantang mga pilipino.

unang SONA na sinundan ng napakaraming SONA ni GMA.

noong nagrarally ako sa edsa, nawala sa isip ko na si gloria pala ang bise presidente at ang batas na kung mawawala sa pwesto ang presidente ng pilipinas ay agad itong papalitan ng bise presidente. masyado akong abala sa pag sigaw at pag mamartsa sa edsa at nakaligtaan ko ang ipapalit sa pangulong pinapatalsik ko.

nakita ko na lang isang umaga, si gloria na stage kasama si davide, nakataas ang kanang kamay at sumusupa na para sa katungkulan nakamit nya.

basta ang alam ko, nanalo ako dahil wala na si erap sa pwesto, kahit marami na din ang reklamo dahil GMA.

hindi naman talaga ako nanood ng SONA noong panahon ni erap, kay gloria lang, bukod sa cartoons lang ang intresanteng panoorin para sakin ay hindi pa ako intresado sa pulitika.

bangkang papel- ayan ang ginamit ni gloria noong unang sona nya, at namangha ako sa mga bata na sumulat daw kay GMA gamit ang bangkang papel dahil sila ay second year college na. hindi ako makapaniwala sa bilis ng panahon.

kada SONA humahanga ako kay gma dahil sa magaling niyang pagbibitiw ng kanyang talumpati, kalakip ang ang paniniwala at pag asang totoo ang mga iniuulat nya tungkol sa ating bansa, pero hindi talaga kayang ikubli ang mga bahong naipon ng adminstrasyon arroyo at nabawasan na ng husto ang kredibilidad meron siya. ang tanging alam ko lang ang bansang pilipinas ay hindi pa rin umuunlad hangang ngayon.

natanong ako ng isang kaibigan, ano daw ba ang katangian ng dating mga pangulo dati at bakit tila isa tayo sa mga nangungunang bansa sa asya.

sabi nya "kaya idol ko si marcos eh"

okay naman talaga si marcos eh minus lang ang pagpapatay at ang pagbabawal sa pagpapahayag ng damdamin. sagot ko sa kanya.

"haha uo nga!" sabi nya.

sino kaya ang papalit kay gloria? tanong ko naman.

hindi ko maalala kung sinagot nya yung tanong ko.

sa tingin ko walang ng magiging mahusay na pangulo ng pilipinas sa ngayon, lalo pa at maraming trapo ang nag aabang sa upuan na iiwan ni gloria sa palasyo.

sa sarili kong pananaw mahusay naman si gloria at ang mga nagnanais na umupo sa pwesto, saludo ako sa husay nila, pero sa ngayon.. mas mahusay na ang taong bayan sa pagrereklamo hindi tulad noon na kaunti lang ang taong lumalabas ng kalye para ipagsigawan ang gusto nilang ipaglaban kumpara ngayon na napakaraming pamaraan na para marinig ang boses ng pilipino.

sa tingin ko lang talaga ngayon, hindi na basta reklamador ang mga pinoy ngayon may pamamaraan pa sila para iparinig nila ang reklamo.

mga reklamong sinundan pa ng napakaraming reklamo.

nakakasawa na ang pulitka at ang reklamo dahil paulit ulit nalang.

ang larawan sa taas ay galing dito: mike-servethepeople.blogspot.com/2008_06_01_a...Alis
salamat at pasensya kinuha ko ng walang paalam.

Saturday, July 25, 2009

ang tagumpay ng pinay =)


kapag lumalabas ako sa matataong lugar tulad ng mall ay maswerte na lang ako kung hindi ako makakita na isang pinay na may kasamang kano o ibang lahi.

ganito yung mga klase ng nakikita ko madalas:

  1. isang medyo bata pang pinay na may kasamang may edad na puti madalas malaki tyan at nakakalbo na.
  2. magandang chicks na may kasamang gwapings na kano o ibang lahi. perfect match.
  3. isang hindi kagandahang pinay na may kasamang ibang lahi.
  4. isang pinay na maganda na may kasamang hindi kagwapuhang banyaga.
  5. pinay na hindi kagandahan na may kasamang parang model na banyaga.
  6. hindi kagandahang pinay na may kasamang hindi kagwapuhang banyaga.
  7. may edad ng pinay na may kasamang mas batang banyaga.
  8. isang pinay na parang ngayon lang nakita ang kasama nyang banyaga.
  9. isang pinay na nahihiyang makita ng mga taong nasa paligid nya ang kasama nyang banyaga.
  10. isang pinay na ginawang bandera sa lahat ang kasama nyang banyaga.
kung mapapansin nyo wala nakasulat na pinoy na may kasamang banyaga, wala pa kasi akong nakikitang ganoon, pero pag mayroon na ay idadagdag ko.

bago pa man kumalat ang lahi ng mga koreano sa bansa natin ay medyo napapansin ko na ang mga ganitong tanawin, noong una masyado akong mapanghusga, tingin ko sa kanila "cheap" parang naiinis talaga ako, isang mantsa na naman ng pagka pilipino natin, kasiraan sa ibang bansa, sabi ko pa nga "hindi na nahiya tong mga to sa sarili nila, badtrip maka ahon lang papatol talaga kung kanino nalang." basta hindi ako naniniwalang may "pagibig" sa pagitan nilang dalawa. ang alam ko lang may PERA kaya may relasyon.

ang nakikitang kong dahilan na naman dito dati ay "kahirapan"

sa ngayon, hindi na masyado mainit ang mata ko sa ganitong tanawin at madalas pa rin akong nakakita nito, noong sumakay ako ng bus meron isang pinay at koreano hindi ko alam kung anung klaseng relasyon meron sila basta ang alam ko meron. kanina sa sinehan meron pa din isang may edad na pinay may kasamang may edad na kamuka ni santa claus hindi lang ang balat, anyo pati narin ang tyan ni santa kamukang kamuka nya. nag ahit lang siya ng bigote.

yung kaibigan ko minsan nakigamit ng laptap at naginternet dito sa bahay,

tawa siya ng tawa

sabi ko bakit anong meron ha?

may ipapabasa daw siya sakin at pumayag naman ako. isang site ng makabagong diskyunaryo ng mga bading, malas lang hindi ko na bookmark yung site para ilagay yung link dito. nakakatawa naman talaga pero ang paborito ko sa lahat eh yung definition ng success story.

ganito ang definition:

success story: isang hindi kagandahang pinay na nagkajowa ng isang gwapo at mayamang banyaga.

yung nabasa ko yun ang sabi ko "ah success story pala ang tawag sa kanila" ngayon alam ko na.

sa aminin natin o hindi marami tayong mga nakikitang success story sa paligid ligid natin, kahit ako nagtataka minsan paano sila nagkagustuhan sa isa't isa. ang lalayo ng agwat ng itsura nila at paano naman sila nagkakilala?

sabi ng marami sa pamamagitan daw ng YM dun daw ang stepping stone para maging isang success story ka. tama totoo naman yun nga siguro ang paraan dahil laos na ang "penpal"

yung mga kabarkada ko nung college nagbibiruan, ang sabi nila yung mga kano daw mahilig sa "exotic beauty"na pinay. yung salitang exotic beauty ay parang isang pinakamagalang na paraan para idescribe ang isang hindi kagandaang pinay ayun ang tingin namin magbabarkada.

bagamat isang pangit na ugali nating mga pinoy ang ganito na hindi makapaniwala at hindi tayo masaya sa tagumpay ng kapwa nating pinoy. nakakahiya man aminin madalas kasama ako sa mga taong ganito lalo na kapag pinag uusapan ang relasyon ng pinay sa banyaga.

sino ba naman ako para husgahan yung relasyon nila pero hindi ko lang mapigil na magtaka kung paano nangyari na nagkatuluyan sila, dahil kung dito lang sa bansa natin malamang matagal munang magiging "single" ang pinay na to dahil tayo mismong mga pinoy hindi natin tipo ang ganoon itsura kahit na hindi tayo kagwapuhan ay nag aasam pa rin tayo ng magagandang pinay.

nakakahiyang isipin na mga banyaga pa mismo ang nakaka kita ng taglay na ganda ng pinay kumpara sa ting mga pinoy na napapangitan sa kapwa nila pilipino (paumanhin sa ginamit na salita) kase para sa tin ang maganda at gwapo ay yung maputi matangkad, blue eyes.

napaka ironic talaga, mga pinoy napapangitan sa kapwa pinoy tapos yung banyaga pa ang humahanga sa itsura natin.

ngayon, hindi ko nalang sila basta nakikita lang sa mga malls kasi may mga kilala akong mga tao sa ngayon na nasa isang relasyon at banyaga ang mga partner nila. yung iba talaga pasok sa definition ng success story, paumanhin natatawa talaga ako sa ideyang ito. napansin ko din na mas maluwag na ang buhay nila ngayon, at magandang bagay yun, ibig sabihin seryoso sa kanila ang mga karelasyon nila.

sana sa mga pinay na nasa ganoong relasyon ay mahalin din nila ng tapat yung mga karelasyon nilang banyaga hindi lang dahil sa ginhawang hatid nito sa buhay nya, para sa ganoon hindi na madagdagan pa ang mga panglalait ng mga banyaga sa lahi nating mga pinoy.

tanong, ako kaya sino ang magaahon sa kin sa kahirapan haha!

ang litrato sa itaas ay galing dito: mycebuphotoblog.wordpress.com/.../

Friday, July 24, 2009

plakard

nakahuli ka na ba ng taong nakatulala? o minsan nahuli ka na bang nakatulala ng kaibigan mo at kinantahan ka ng "tulala sa isang tabi at di mapakali"
o
ang mas astig sa lahat
nahuli mo na ba ang sariling mong nakatulala?

eh ano ba ang nasa likod ng isip mo at bakit may tulalang oras ka sa buhay mo? kung ako ang sasagot nyan, maliban sa pag day dreaming ko, at minsan gabi ako natutulala (hindi bagay yung day dreaming) kaya tatawagin ko nalang itong pag iilusyon. noong miyerkoles ng gabi gumimik kami ng ilang malalapit kong kaibigan sa isang bar sa san pedro, laguna. ang ganda ng mga tugtog nakaka indak pero sa maniwala ka sa hindi natutulala ako hindi dahil sa hindi ko trip yung bar, natutulala ako dahil nag iilusyon(gabi na kaya hindi pedeng day dream ang tawag, syempre sariling rule ko lang yun) ako na sinasayaw ko ng pagkalupit lupit yung mga tugtog sa bar, naiisip ko napakagaling kong dancer, ramdam na ramdam ko ito kaso lang basag trip yung tropa ko nahuli nya akong nakatulala tsk naglaho yung ilusyon ko kase tinawanan ako hehe

sa jeep, sa klase, sa trabaho ayan ang madalas na lugar kung saan ako natutulala at nakakahuli ng nakatulala, itong mga lugar kasi na to ay nagbibigay ng maraming pagkakataon para matulala ka nalang. kapag kilala ko syempre kakantahan ko ng "tulala sa isang tabi at hindi mapakali" sabay tatawa ako ng malakas, at kung hindi ko naman kilala eh nangingisi lang ako pero sa isip ko natawa ako ng parang wala ng bukas.

pero noong mga nakaraang linggo, madalas ko mahuli ang sarili ko nakatulala at hindi ko masabing blanko lang ang isip ko, parang may naka flash na plakard at may nakasulat na tanong.

"nasaan na ba ako ngayon at saan ako papunta?"

yung mga unang araw hindi ko naman pinansin, hindi dahil ayaw ko sagutin, ang kaso lang hindi ko masagot.

natulala na naman ako -- may plakard ulit sa isip ko at parehas na tanong-- at nahuli ko na naman ang sarili kong tulala.

kinabukasan.

tulala ulit- huli ko ulit ang sarili kong tulala

pagkatapos ng tanghalian.

tulala ulit at nahuli ko ulit ang sarili kong tulala.

kinagabihan gusto ko na sagutin para hindi na ako kulitin ng plakard sa isip ko at baka hindi pa ako patulugin.

unang tanong:

nasaan ka na ngayon? --- hindi ko alam, palipat-lipat. gusto ko sana sumagot ng pilosopo pero parang ang hirap pilosopohin ng sarili at baka takasan pa ako ng bait ko sa katawan. ayos na ko sa sagot kong hindi ko alam.

pangalawang tanong:

san ka papunta?- ampota! parang imbestigador lang. saan nga ba ako pupunta lintek na yan. sagot ko na lang papuntang kaligayahan. kung sa paanong paraan o daan hindi ko pa alam.

mga ilang taon na din ako tapos ng college, nagtrabaho, nabakante, nagtrabaho, tumambay, trabaho ulit. successful na ba ako kumpara sa mga kasabayan ko? alam ko sa sarili ko na nasa gitna lang ako ng karera at nagiintay ng tamang panahon para sa akin.

sumulpot ang ikatlong katanungan. nanganak na yung mga tanong at dapat manganak din yung mga sagot ko.

ito yung bagong silang na tanong:

paano mo ba masasabing successful ka?

naisip ko agad sa PERA yan ayun kasi ang batayan ng marami, magandang trabaho ay katumbas ng malaking PERA.

meron naman akong pera,(aba nagyayabang ako? hindi self check at honest answer lang sa tanong ko) kaya ko naman tustusan lahat ng kailangan ko, pati yung ibang luho ko sa antas ng lifestyle na pinapractice ko. hindi siya marami at sapat lang nagagawa ang gusto at nakakapag tabi ako ng konti para sa panahong ng tag-ulan.

TRABAHO ayan ang susi para magkapera ka, iniisip ko isang batayan din ng tagumpay ng isang tao.

PAGIBIG ayan mas maraming tao ang pumipili nyan kapalit ng naunang dalawa sa taas, kapag may kakilala tayong taong pinagpalit ang pag ibig sa pera at trabaho, malamang sabay sabay tayong sisigaw ng TANGGA! pero kung tayo ang sangkot okay lang ang maging tangga dahil masaya naman tayo.

ibig sabihin ba nito kung wala ka ni isa sa mga batayan sa taas hindi ka matatawag na successful?

kahit masaya ka naman sa kasalukuyang buhay mo
payak at hindi kumplikadong buhay.

kagabi pauwi na sana ako dahil pagod at puyat ako, galing ako sa isang workshop. nag txt yung kaibigan ko, at napagdesisyunan na magkita kami at iinom ulit, taya daw nya at kahit pagod at antok na sumama na ako, minsan na lang kasi magkita dahil busy sa trabaho at isa pa libre naman nya.

uminom kami ng tatlong malaking bote ng beer at pumapak ng onion rings at balat ng manok.

sa inuman, syempre maraming napagusapan, hangang sa natanong ko sya kung ano sa tingin nya ang mas mahalaga.

experience o achievements?

ilang sandaling katahimikan, maski ako nag iisip ako kung ano ang pipiliin ko.

sumagot siya experience, parehas kami ng iniisip parehas din kami ng paliwanag, naisip ko kaya siguro magkasundo kami nito. hindi ko alam ang tamang sagot tingin ko depende yan sa opinyon mo.

ang buod ng dahilan namin kung bakit experience kase ang experience may "kakayahang gawin kang isang kumpletong tao kahit hindi ka pa nagtatagumpay."


tutal patuloy ang panganganak ng mga tanong at pahirap na ng pahirap ang mga sagot, kayo nalang ang tatanungin ko.

experience o achievement?



Wednesday, July 22, 2009

pirata

may tanong ako.

(balik tanaw lang saglit)

mga ilang taon na rin ang nakakaraan, may napanood akong talk show sa umaga, hindi na ako sigurado kung anong show yun dahil naka ilang palit na ng morning show ang channel 2 sa loob ng 5 taon. ang pinag uusapan nila ay tungkol sa mga collections nila tulad ng bags, sapatos, damit atbp. syempre mga kilalang personalidad kaya naman afford nila ang bumili ng mga ganitong mamahaling bagay. meron isang payo ang isang guest doon at tumatak sa isip ko, ang sabi nya.

"kung bibili ka rin naman ng bagay para sa sarili mo dapat yung original na para mas maenjoy mo at kung peke lang din wag na lang"

kahanga-hanga di ba po? pero sandali magkano ba ang original na dolce and gabbana? isang libo, dalawa o tatlong libo o higit pa dito? ayan ang tatak na pinili ko dahil ayan yung mga dalang collection ng mga guest sa morning show.

parang kung ittranslate ko ang sinabi nya, palihim ang mensaheng ito,

"kung wala ka namang sapat na pera bakit ka pa bibili nito? at kapag bumili ka ng pekeng ganito ay lalabas ka lang trying hard"

tama pa rin naman diba? bakit mo pipilitin ang bagay na hindi mo naman kaya sa ngayon.

pangalawang translation ko.

bakit ka ba mapilit at gustong makabili ng original na ganito? para ano? maging magkamukha tayo? mahal to, mahal! isaksak mo yan sa utak mo! hindi bagay sayo to,at kung makabili ka man ng kamuka na to, siguradong akong fake yan! wag ka mag asam ng bagay na hindi abot ng bulsa mo.

hehe medyo exaggerate lang to pero sa tingin ko talaga ito yung lihim na mensahe nun guest sa show, nagkataon lang na nakapili siya ng magagandang salita na sasabihin nya pero ang ganito talaga ang dating nun. (aking translation lang to walang pikunan)

ang tanong!?...
yung may pera lang ba ang may karapatang ienjoy ang mga original na bagay? paano naman yung mga kapos at gipit, tingin ko may karapatan din sila dun. pero paano?

PIRATA yan ang kasagutan. (marami pa naman ibang sagot walang lang akong time mag isip hehe)

wala akong ideya kung saan nagmumula ang mga produkto nila, kung saan ginagawa at paano nila nagagawa, alam ko mayroon na din pagawaan ng mga pekeng dvd sa pinas. dahil nabanggit ko na rin naman ang dvd, isa itong bagay na to ang may pinakamaraming pekeng gamit meron ako. siguro humigit kumulang na sa isang daan, mula sa mga anime, tv series hangang pelikula meron ako. pati mga sneakers na sapatos ko sa baratilyo lang ako bumibili, pinaka mahal na ang 6hundred basta laging tig tatlong daan lang binibili ko.

shhhhh! baka mabasa ni chairman edu manzano?

wala naman akong pinopromote sa sinusulat kong ito, naikwento ko lang naman kung ano ang ginagawa ko.

minsan napadaan ako sa isang bilihan ng originals cds and dvds sa isang mall sa alabang, nakita ko yung isang set ng prison break umabot yung halaga ng libo hindi ako sigurado basta naglalaro sa 1k-3k, samantalang nakumpleto ko yung set na yun na wala pang 5hundred pesos. malinaw ang kopya, may subtitle at ayos din ang tunog.

afford ko naman bilihin yun original na set ng prison break pero namamahalan ako. para sa akin hindi praktikal kung bibilihin ko yun sa ganoong halaga.

para sa akin ganito ang praktikal

nasa mall ako may tatlong libo ako

syempre kakain ako ng masarap, pagkatapos baka dumaan ako sa booksale hanap ng astig na murang libro. hanap ng tshirt at pants. baka kumain ulit. pero kung uubusin ko yung 3k sa orig na dvd hindi pasok sa deskripsyon ko ng praktikal yun base sa pinili ko o lifestyle meron ako.

hindi ba para sa akin ang tv series na prison break? dahil namamahalan ako sa original set nito?

(may voice over sumigaw ng)

UGOK!!! ang drama mo, pwede mo panoorin yan sa internet!

eh paano kapag hindi ko kayanin ang bayad sa net shop sa haba ng series na to.

sagot ng voice over

tsk manghiram ka na lang sa kaibigan mo

wala akong kaibigan merong original copy nito at kung meron man sigurado ako pirata din yun, nagmamarunong ka pa! tugon ko.

parang abnoy lang, biglang nagkaroon ng dialogue sa kwento ko.


bakit ganoon kataas ang halaga ng original na gamit? madalas tuloy naglalabasan ang mga peke, mga pekeng maliit lang ang lamang sa mga original.(partikular lang to sa DVD) hindi ba nila kayang ibaba ang presyo ng original?

(hindi ko sinasabing lahat ng peke maganda meron talagang peke na PEKE talaga na hindi mo na nagamit sa sobrang pagka PEKE)

minsan tuloy napapa isip ako kung sino talaga ang magnanakaw

yung gumawa ng original na binebenta ng pagkamahal mahal?
o
yung namimirata ng original at gumagawa ng peke sa abot kayang halaga?

sana kung ibaba lang nila ang presyo nila para abot ng masang pinoy may mag aabala pa kayang gumawa ng pekeng produkto dito o maging sa labas ng bansa kung ang mga tao sa buong mundo ay makakabili naman ng original na abot ng bulsa.

Monday, July 20, 2009

simula

Sa isang bintana tanaw ko ang isang nanay, kaya naisipan ko panoorin ang mga kilos niya.

B
omba. ilang ulit ng nakakangalay at nakakapawis na pagbobomba.

nag mamadaling kinakapa ng nanay ang posporo sa tabi ng isang de bombang kalan, nagmamadali siyang ikiniskis ang palito sa bahay na karton ng posporo at sumindi ang isang maliit na apoy at inilapit sa labasan ng gaas ng kalan. ito na ang apoy, pinatong sa kalan ang maliit na kalderong may kalahating tubig sa loob.

isa pa ulit na pagbomba sa kalan, paulit ulit... maraming beses hangang sa kumulo na ang tubig.

blok! blok! blok! ang tunog nang patuloy sa pagkulo ng tubig. binuksan ng nanay ang isang pakete ng lucky beef noodles at dinurog ang laman nito saka inihulog sa kumukulong tubig, makalipas ang isang minuto ay inihulog na din niya ang pulbos na pampalasa ng noodle kasama ng malasebong mantika sa loob ng pakete.

hinango ang noodle at hinain sa hapag.

nilantakan ng mga anak, subo ng noodles dito subo ng noodles doon. higop dito at higop pa sa bandang dako pa doon, lumipas ang tatlong minuto naubos ang bagong kulong noodle ni nanay.

lumabas na ang nanay pero naka dikit parin ang mata ko sa mga ikikilos nya kahit alam ko kung saan ang tungo niya.

ang tagal mo namang bruha ka! sesyon na! hirit ng isang mahaderang bakla.

letse! nagluto pa ako ng almusal mga atat!

mabilis syang umupo sa grupo ng mga taong may hawak ng baraha. yung katabing grupo binggo ang nilalaro.

GAME na!!! BET GAME na! kumpleto na tayo!

(bet game mas advance daw ito sa tong-its at ito ang hit ngayon sa lugar namin)

pasado alas siyete palang ng umaga, dumaan na ang naglalako ng dyaryo at taho at naubos na rin ang mga batang naglalakad papasok sa eskwela, at nakatae na ang lahat ng aso na nakawala pero hindi na ito maalintana ng mga sugarol sa aming lugar. matinding gutom na lang ang at pagkaihi o kapag natae na sila , yun lang ang pwedeng makapagpatayo sa kanila. hindi rin maaring maliitin ang mga kwentong handog nila, mga balitang hindi lang pangshowbiz, pampulitika pa.

sanay na ako sa ganitong tanawin pero kailan ko lang naisip na masarap palang ikwento ang mga storya na nakikita mo at dito mag sisimula ang mga kwentong kalye ko.

My Blog List

Followers

About Me

My photo
siguro mas swerte kumpara sa iba at ganoon din naman ang iba kung sa akin ikukumpara.