Monday, August 17, 2009

habulin mo ko

BADTRIPS yep badtrip na may "S" (marami akong badtrip!) bakit kase minsan ang gULo ng earth. ang dami ng naghahabulan pero hindi karera ito kundi habulan ng mga tao... mga taong nagkakagusto sa iisang tao. parang komiks talaga. kawawa naman ang bida bakit hindi kaya ako gumawa ng maiksing istorya kung bakit ang gulo ng kwentong ito.

noong unang panahon sa malayong kaharian ng kusina may nabubuhay ng tahimik at payak na si kutsilyo ang tangi nya lamang alam ay ang humiwa ng humiwa ng kung ano-anung bagay. ang pagiging payak ng buhay niya ay nagsimulang magbago ng makilala nya si platito, may ibang bagay siyang naramdaman para sa platitong ito ngunit kanya lamang inisantabi dahil ang kutsilyo ay hindi nababagay sa platito dahil una sa lahat si kutsilyo ay isang dugong bughaw sapagkat siya ay ginawa at pinatalas pa ng yumaong PANDAY ng pilipinas. pinilit niyang maging normal katulad ng dati ang kanyang buhay paghihiwa habang naging malapit sa kanya ang platito. nang hindi mag laon ay dumami na ang kasangkapan sa kaharian ng kusina. may mga dumating na pang is-is ng kaldero, isang timbangan, kaserola, uling pang ihaw, sandok, abrelata, hasaan, labaha, at alinlangan din dumating sina gunting,pangkulot,pang relax, blower este hindi pala sila kasama naligaw lang sila ang destinasyon nila ay sa parlor ng baklang pikit ang dalawang mata.

naglaon ang panahon ay lalong gumulo ang buhay ni kutsilyo nang mahulog ang loob ni timbangan kay kutsilyo dahil sa sulsol ni hasaan pero matapos lang ang ilang segundo ay umamin din si abrelata na mahal niya rin si kutsilyo. nasisiraan na ng talim si kutsilyo hindi na siya makahiwa ng matino, hinahagard pa siya ng buong kagamitan sa kaharian ng kusina pinapapli siya kay timbangan ba o kay abrelata? pero teka hindi pa rin nag babago ang damdamin ni kutsilyo para kay platito ang gulo ng buong kusina at sagot nya sa mga kasama niyang kagamitan ay "kailangan ba talaga pumili? me iba na akong tinatangi " HUWAAAAAAAAAAAAAAAAAAT???????????? sabi ng lahat palihim niyang sinilayan si platito na kasalukyung lumilipad ang isip at walang alam sa kanyang nararamdaman. ng mapagod ang lahat ay naiwan mag isa si kutsilyo at sa kanyang pagiisa ay nilapitan siya ni platito, may sasabihin daw ito sa kanya tungkol sa pag ibig kaya naman nabuhayan ng loob ang malapit ng pumurol na si kutsilyo atat na atat na siya at gusto na niyang marinig ang pagtatapat na gagawin ni platito. ganito kase yan panimula ni platito, meron akong iiniirog sa matagal na panahon na, pero pilit ko lamang nilabanan ang pakiramdam na ito dahil baka hindi niya ako maibigan nito. buong akala ni kutsilyo ay siya na ang tinutukoy nito ngunit laking gulat niya na ang mahal niya ang gunting na naligaw sa palasyo ng kusina. masakit ang sinapit ni kutsilyo kaya natuluyan na siyan pumurol at hindi na humiwa ng anu mga sangkap sa pagluluto simula noon at siya ay pwersahang itinapon sa lagayang lata dahil hindi na siya makakapagsilbi pa sa kusina.

tapos na ang kwento, may naunawaan ba kayo?

Saturday, August 15, 2009

Ang kirot ng laser sword

Naiisip mo rin ba minsan o madalas na ang masasayang panahon mo ay nasa nakaraan, yung tipong sana maullit yung ganitong pagkakataon at oras. Bakit kaya ganun ang mga tao minsan lang tumitingin sa kasalukuyan, madalas nakatingin ang mga mata sa nakaraan at kahit pa medyo sabik na sa hinaharap ay malakas parin ang kabog ng dibdib. Kaunti lang ang taong kilala ko na hindi takot sa hinaharap kahit pa hindi nila alam ang mga mangyayari. Natural kase satin kapag hindi natin alam eh natatakot tayo. Halimbawa ako nung grade one ako, kahit marunong na ako magbasa sa tulong ng funny komiks ay kabado pa rin ako sa terror English teacher ko na ikubli natin sa pangalang mrs. Robiso. (sana wag nyang mabasa ito)

Naalala ko ganito ang eksena sa klase, dun ko unang natutunan ang mga scripted na pag eenglish tulad ng “ma’am may I go out?” at "finish or not finish pass your paper", hay naku talaga pag sa ibang teacher ko naririnig yun ay cool lang ako pero kapag kay mrs. Robiso lahat ng parte ng katawan ko na pedeng manginig ay nanginginig.


Ito na nga ang kwento, si ma’am ay ugali na rumonda sa loob ng klase kapag may recitation lalo na sa reading, kailangan naming basahin ang mga salitang hindi namin alam ang ibig sabihin, ang sistema pa iikot siya habang dala ang kanyang laser sword at kung papalarin ka sa araw na yon ay tatapikin niya ang balikat mo gamit ang laser sword para magbasa ng mga nakakachallenge na salita sa blackboard, naalala ko ang sarap tumawa kapag bumula nalang yung mga bibig ng kaklase ko sa hirap ng mga pinapabasa sa pisara at ang nakakatakot na part ay ang gamitan ka ng laser sword sa pwet, talagang gumuguhit ang kirot mula sa pwet mo papunta sa mata mo kaya ka mapapapikit at ang huling destinasyon ng kirot ay sa anit mo na tila bagang nagsitayo lahat ng buhok mo para sa pambansang awit ng pilipinas, ganyan ang kirot na taglay ng laser sword ni ma’am, na kahit pa si Leonardo da vinci ay hindi ka kayang ipinta sa dami ng ngiwi sa iyong pagmumuka. Ang laser sword na gamit ni ma’am ay gawa sa kahoy at parang yantok.

Woman

Building

Sachet

Ayan yung mga nakasulat sa pisara isang araw, ayan nalang yung tanda ko kase ayan yung mga binasa ko nung natapik ako ng laser sword sa balikat.

woman

unang salita

Woo-mhan (sinusubukan kong basahin ang mga salita sa pisara) na hindi ko na mabilang ang ngatal na nagawa ko habang sinasabi ko ang mga katagang yan.

kase tagalong lang ako mabilis magbasa dati, hindi ko na tanda kung alam ko na ang ibig sabihin ng woman noon.

building

pangalawang salita.

Ito na ang pangalawang salita, natigilan ako, hingang malalim, nagkakagulo na ang dugo sa murang utak ko, nalilito na ako pano ko babasahin ang salita, kahit hindi ko nakikita ang kalagayan ng utak ko sa mga oras na yon ay alam kong nagbabara na ang dugo sa ulo ko hindi na sila makadaloy ng mainam, hala ka at lalo nalang ako natakot ng sumigaw na si ma’am sa mala Tasmanian devil nya na boses,

“ERIC READ IT!!!”

pano nalang ako, ako na ang tatawan sa klase at dahil sa sigaw na yon ang nasabi ko nalang ay

-achutsu- na malakas pa ang sigaw ng paos na ipis

nang biglang may

“HUWAAAT???!!!! AGAIN!!! Ako naman si taranta nasabi ko ulit

-achustu- nahihiya akong inulit ang katagang ito

ito kase ang ginagawa ko na sound kapag nagpapangap ako magbasa ng dyaryo noong hindi pa ko nag aaral malay ko ba na magagamit ko sya sa mga panahon na yon.

ayan na may humahagigik na at namumula na ako at hindi ko na alam ang maaring mangyari basta ang alam ko may laser sword na nakaantabay na dadapo sa pwetan ko.

Nang marinig ko ang sigaw na NEXT!!!

sachet

pangatlong salita

Patay na kaliangan ko ng mabasahin yung pangatlong salita, dug dug dug dug sabi ng puso ko, tiningnan ko ang pangatlong salita, hindi talaga pamilyar, tinitigan ko na ng animong umandar na ng kaunti ang dugo sa utak ko tila kaya ko na basahin ang pangatlong salita, malakas na ang loob ko dahil sa pangatlong pagkakataon ay hindi ako binigo ng kulot-kulot kong utak, kaya dagliang kong nasambit na

SACKHET (read as saket) gumagalaw na unti unti ang aking labi upang ngumiti dahil sa nakamit kong tagumpay, haha nabasa ko ang pangatlong salita, ang mga kaklase ko tulala lang hindi din nila alam kung paano basahin basta ang tanging alam ko lang ay nabasa ko na ang huling salita at makakaupo na ako at maibabalik ko na ang dati kong estado sa klase bilang tagatawa sa mga nagkakamali kong mga kaklase, pero ano ito? Ng sulyapan ko si ma’am bakit siya umiiling at tila bubukas ang kanyang mga nakakangilabot na bunganga ng bigla akong makarinig ng pamilyar na tunog parang ganito

EeRRRRIIIIIIIIICCC!!!! Hala ka! Paano na?nabasa ko naman bakit siya sumigaw at kinukumpas nya na ang laser sword at sumesenyas na pumunta ako sa harap ng klase, kahit hindi ko naisin tila hinigop na ako ng laser sword at nakita ko nalang ang sarili ko na nakapikit at ngiwi ng todong todo at ang huling destinasyon ng kirot ay sa aking anit para magtayuan ang aking mga buhok para sa flag ceremony, hindi ko alam kung dahil sa kirot lang ng mga hampas nya ay parang nasulyapan ko si da vinci na tinangkang ipinta ang pilipit kong pagmumuka pero nahamon ang kakayahan nya bilang pintor dahil wala siyang naipinta kahit isa.

naaalala ko ngayong taon din nakita ko ulit si mrs. robiso, bibili sana ako ng manok sa baliwag, nang makita ko siya hindi ko alam kung papansinin ko pa siya. kasama kase nya kase ang pamilya nya. naisip ko antayin ko nalang silang matapos bumili bago ako biubili baka dala pa din nya ang laser sword mahirap na. ganun pa man ay malaki ang pasasalamat ko sa guro ko na ito dahil sya ang una kong titser sa english, at dahil dun ay nakaka pagsalita at sulat na din ako sa english kahit papaano. (sabay kambyo, ito ang tinatawag ng biglang kabig!) nakakamiss ang kamusmusan ng nakaraan. thanks ma'am

Tuesday, August 11, 2009

Ang TV

madalas hindi na ako nanuuod ng telebisyon tingin ko kasi panapanahon ang pagkahilig ko sa isang bagay halimbawa wala akong interes ngayon pero baka sa susunod na buwan ay meron na ulit. ang kaso lang tuwing susubukan kong ibalik ang interes ko sa panonood ng tv ay lagi nalang akong nabibigo, mula morning show papuntang noon time show hangang TV ad sa telebisyon, napapasok, pinapasok at pinapapasok ang pulitika.


eh ano ba ang problema ko sa pulitika? basta ang alam ko ayaw ko sa pulitika, pero ito ako laging apektado, ayaw ko ba talaga? hindi ko alam.

mainam na medium talaga ang air time sa telebisyon dahil halos abot nito saan sulok man ng mundo, maihahatid mo ang mensaheng gustong ipabatid sa mga manonood kaya naman kitang kita ito ng mga pulitiko kaya kanya kanyang diskarte sa pag gamit ng mamahaling air time sa telebisyon. minsan daig pa nila ang mga produkto sa dalas ipakita ng tv ad nila sa telebisyon.

2009 pa lang ngayon at 2010 pa ang eleksyon.

sa panahong ito ang kasabihang " Daig ng maagap ang masipag" ay motto ata halos lahat ng mga pulitikong nagnanais maka upo sa pinakamataas na bangkuan ng pamahalaan.

kung hindi ako nagkakamali ang huling buwan ng taon 2008 ay meron na ding mga patikim sa tv ad sa telebisyon ang mga pulitikong nais tumakbo at maupo sa pwesto at dahil doon mas nawalan ako ng gana sa mga pulitikong ito, at ng mag laon sa telebisyon.


nakita mo na ang bahay ng isang senador na galing sa hirap at laking tondo? nakakaawa sila dati no? biruin mo may tulo sa loob ng bahay nila, masikip at tabi tabi silang matulog parang wala ng pag asa pero dahil sa sipag at tyaga nya, nagsimulang umarangkada ang buhay nila. panalo!

ang tanong ko lang, ilang taon na ba itong senador na to? ilang taon na ba syang mayaman este matagumpay sa buhay? hanga ako sa kanya dahil nakita pa niya o itinuring niyang ancestral house yung bahay nila sa tondo, o guni guni ko lang ito? gusto ko din malaman kung sino ang nakuha nyang set designer ng bahay na pinakita nila sa tv. hays tunay kaya ang mga ito o isang palabas lang. mag isip tayo.


may nakita ka na bang mama na nakasuot ng asul na polo at maong na pantalon na galing sa kawalan at biglang sasakay ng padyak at biglang maguusisa sa mga pangarap ng mga musmos na bata? maganda ang konsepto kaso wala sa realidad maaring nasa realidad pero mali ang timing, at bakit kung kelan malapit na ang eleksyon ay doon mo lang naisipang mag byahe gamit ang padyak at mag tanong tanong ng kung ano ang pangarap ng kabataang pinoy.

at hindi ka pa nakunentento, nag arkila ka pa ng isang damukal na artista nang teatro para sa political campaign mo, yung mga artista mo bigay na bigay sa pag arte sa pagbibigay ng linya kung gaano na sila nahihirapan sa buhay nila.

ang linyang tumatak sa isip ko ay

" sa lahat ng dumaan dito ikaw lang ang huminto"

damang dama ko ang ganap ng nagbikas ng katagang ito tapos sasagutin mo lang sa napakalamig at walang sinseridad na

"wag kayong mag alalala akong bahala, lalaban tayo!"

anak ng pating na baog, hala ka!

sana naman nag ensayo ka ng mainam sa harap ng salamin bago ka sumalang at bigkasin ang mga katagang ito, dahil imbis na kilabutan ako dahil nakaka antig ang politikal ad mo ay kinalibutan ako sa walang sinseridad mong pag ganap, lalo mo lang pinagtibay ang kawalan ko ng gana sa telibisyon.

may nalalaman ka pang linya na

" anak itabi mo, ako na"

isa na naman hala hala!!!

asan ang katotohan sa sitwasyong ito, maganda ang motibo at paraan para mabuo ang tiwala sayo ng sambayanan ang kaso lang sa acting mo, nabuo ang tanong sa isip ko, tunay ba talaga ito? o gaya ng palabas sa tv ito ay isa lang din fantaserye na uso sa panahon ngayon.

ang mga ad na ito ay sumusubok na paniwalain ang taong bayan na may ginintuang puso ang ang mga puliko kaso hindi ako maniniwala dito.

sabihin mo ng sarado ang isip ko. sarado talaga pag dating sa ganito.

yung mga nabanggit na pulitiko, ayos naman ang pag tinggin ko sa kanila noong una nabago lang dahil sa mga pinalabas nilang ito.

sabi ko kasi sa sarili ko, hindi ko iboboto ang mga pulitiko na mangangapanya sa taong 2009 kaya pasok na tong dalawang ito. kung mabawas man sila sa listahan ng iboboto ko mas mahihirapan akong pumili ng tamang kandidato pero problema ko na yon.

at wag kalimutan ang ginawang kabalbalan ng isang senadora na namigay ng bracelet sa libing na isang kinikilang icon ng ating bansa, siguradong burado na siya sa listahan ng kandidato ko, wala siyang matinong pag iisip para gawin ang karumaldumal na bagay na yon, wala siyang inisip kundi isawsaw ang sarili niya sa kasikatan ng libing ng yumao na. ito ang masasabi ko sayo

nakaka inis ka, pero nakakatawa pa din dahil ang tanga mo pala ngunit nakaka awa ka, nawalan ka na ng tsansa dahil SAKIM ka.

hindi naman lahat ng politikal ad masakit sa mata, meron akong isang gusto yung may tag line na "ganito po kami sa makati" sana sa buong bansa rin, maganda ang pangakong iniwan nya, isang pangarap na lugar na matagal na nating inaasam para sa ating bansa.

Monday, August 10, 2009

zaido

sino ba naman ang hindi makakakilala kay shaider? sikat sya kaya naman nagkaroon ng tagalog bersyon ang palabas na ito sa telebabad tuwing gabi.

kilala sya bilang isang pulis pangkalawakan na lumalaban sa kasamaan ni puma ley ar (bara bara nalang ang spelling nyan)

isa sa pinaka aabangan sa palabas na ito (bukod sa pagtalon-talon ni annie at sa di malaman kadahilan ay lagi mong makikita ang puting pangloob na damit sa ilalim ng napa iksing paldang gawa sa maong) ay ang eksena sa time space warp na binabanggit ni IDA na hangang sa ngayon ay hindi ko alam kung babae o lalaki,sa lugar na ito naglalaban sila shaider, tambling dito at panay ilag, sapak, sipa doon sa makakapal na usok, talaga namang kaabang abang.

pero para sa ibang tao si shaider o zaido sa pilipino ay may ibang pakahulugan, tabi tabi sa mga mambabasa na may malakas na kapit sa moralidad, paki bukas lang ang isip sa kwento kong ito.

alam naman nating na 3rd world ang bansa natin, sa madaling salita mahirap (daw) ang bansa natin. ang kahirapan din ang nakikita kong ugat sa mga maraming bagay na nagagawa nating mga pilipino na hindi natin kayang ipagmalaki, "kapit sa patalim" ang pinaka madaling paliwanag sa gusto kong sabihin, oo nga at mahirap tayo pero hindi rin naman matatawaran ang abilidad natin na manatiling matatag at buhay sa laban ng buhay kaya naman madalas tayong hangaan ng mundo sa ating kakayahan mabuhay sa kabila ng hirap na kinakaharap, pero syempre hindi lahat ng storya ay kahanga hanga meron din naman dapat ng wag pag usapan pa.

yung kababata ko meron ibang pakahulugan sa salitang zaido:

zaido- isang tao na nagpapalabas at gumagawa ng malalaswang bagay na pinapagawa sa kanila ng manunood nila sa karampatang halaga, sa mundo ng cyber space. kung paano ikokonek sa salitang zaido hindi ako sigurado, baka sa zai at cy kinuha.

nag Online ako sa YM ko, na hindi ko naman madalas ginagawa para lang silipin kung nag iwan ng mensahe ang kaibigan ko na nasa maldives, kaso walang mensahe at saktong naka OL din ang kababata ko na to. kinamusta ko sya at ang kanyang negosyong zaido, sabi nya ayos naman daw at nakakabawi na ulit sila matapos nilang magtago sa NBI na nakatunog sa mga gawain nilang yun na imbes na hulihin sila ay nakipagnegosasyon pa sa kanila na bibigyan nila ito ng tatlong libo araw araw kapalit ng pananahimik nito.

noong medyo bata pa kami ang alam ko sa pamilyanila ay nag abroad ang tatay nya at umuwi din kaagad dahil hindi kinaya ang pagkahomesick, at ang nanay naman nya ay nanahi sa telahan din ng isa naming kabarkada at isa lang siyang anak. noon naman hindi ko napapansin kung sino ang mapera sa hindi mapera sa magkakabarkada, parang kapag may sampung piso kami bawat isa ay maayos na ang lahat napansin ko na lang na medyo naiiwan siya nung medyo nagcollege o hiskul na kami.

ganoon pa man ay maabilidad na ang kaibigan ko na to, pagkatapos ng hiskul ang alam ko ay nagtrabaho na agad sya, sa pabrika, burger machine at kung saan saan pa, maabilidad talaga at alam nya kung paano dumiskarte sa buhay, kahit minsan kapos sya ay hindi naman nya kami ginambala sa panghihiram ng pera sa amin.

nitong mga nakaraang taon, nagkaron sya ng pagkakataon na makapag tayo ng sarili nya at legal na negosyo bandang las pinas, nagtitinda sya ng mga laruan, ayos din ang kitaan pero dumating ang panahon na kailangan nya itong isara at magsimula ulit sa wala.

lumubog ulit sya at humanap ulit ng paraan para makaahon, hindi ko alam kung paanong napasok sa isip nya ang mag benta ng laman sa cyber space, isang araw binili nya ang luma kong CPU para makapag simula na siya sa kanyang pangarap na negosyo, tutol man kami noong una ay wala na rin kaming nagawa dahil kilala namin sya, hindi titigil hangat hindi nasusubukan ang isang bagay.

dumaan ang panahon at nasanay na siya sa ganitong larangan, at nakakuha na rin sya ng mga talents nya, hindi na siya mismo ang nagbebenta ng laman, may mga tauhan na sya, ang ginagawa nalang nya ngayon ay kumulekta ng pera at magpasahod sa mga tauhan nya.


minsan na din namin napagusapan yan naming magkakabarkada, kahit alam namin sa isat isa na hindi kami masyadong payag ay hindi na rin kami tutol. ibang tao sya sa harap ng web cam at alam namin na mabuti syang tao sa likod ng kanyang trabaho.

siguro dahil madali ang pasok ng pera at dollar rate pa sila hindi na nya ito maiwan, anung sinabi ng mga naitatabi naming pera sa bangko sa perang pumapasok sa kanya linggo linggo.

ang sabi ko sa kanya kanina, kapag sapat na ang ipon mo, magpalit ka na ng negosyo at sumang ayon naman sya, sana maka ipon na siya agad sa lalong madaling panahon bago pa may mangyaring hindi maganda sa kanya.

siguro nga ipit lang sya sa sitwasyon. kapit sa patalim.

anu ba ito?

abilidad o buktot na pamamaraan?

pero sino ba ako para humusga sa kaibigan ko.

kahirapan ba ang ugat nito?









;

Wednesday, August 5, 2009

ako si...

kilala mo ba ako?

kung hindi pa, magpapakilala ako sayo pero bago ko gawin yun ay siguraduhin mong meron kang kakapitan na bagay na matibay ang kapit sa lupa dahil sisimulan ko na ang pagpapakilala(pagyayabang) ko.


hindi naman ako salat sa buhay kaya maraming bagay akong nararanasan o ginagawa na hindi pa nagagawa ng ilang simpleng tao o( minsan maging ng mga mayayaman.)

paano ba ang takbo ng buhay ko? siguro magkwekwento na lang ako ng isang tipikal na araw ko.

kapag may bagong kakilala ganito ako.

syempre kikilalanin ko muna at aalamin ang pangalan niya, titignan ang porma, bihis, gamit at pananalita niya para matantya ko kung kayang kong yabangan ang taong ito.

kung napansin ko na hindi naman mamahalin ang suot niya, simpleng cellphone lang ang gamit at mukang hindi naman ganon kagaling magsalita, ito na ang tsansa ko para mag bida.

kwukwentuhan ko siya ng mga bagay na alam kong hindi pa niya nararanasan sa buhay nya,tulad ng mga lugar na napuntahan ko na, mga pagkain natikman ko at mga kilalang taong nakahalubilo ko.

kapag ang responde nya ay tipong ganito:

wow!
ang galing naman!
kakainggit naman sana ako din!
ang galing mo naman pala!
at kung anu ano pang mga papuri na sasambitin nya.

pakiramdam ko tagumpay ako, naiangat ko ng husto ang aking estado at malinaw na samin na mas mataas akong uri ng tao sa kausap ko at dahil malumanay naman ang pagkakawento ko, hindi nya iisipin na nagyayabang ako.

ito naman ako kapag kaharap ko ang mga kaibigan ko.

dito mas mahirap ang mag pasikat dahil alam nila ang totoong karakas ko pero sa hindi ko matiyak na kadahilanan ay nakakapagyabang parin naman ako. hindi ako sigurado kung benta ba sa kanila ang mga kwento ko o nagiging magalang nalang sila na wag ipahiya ang isang tulad ko, sabagay ibat iba ang trato ng kaibigan ko.

sa harap nila, ordinaryo lang ako pero hindi ko mapigil ang kagustuhan iangat ang sarili ko, ayaw ko mahuli sa mga kwento kahit pa magimbento nalang ako ng kwento basta makasabay lang o manguna at bumangka sa usapan namin.

minsan ito ang mga nagagawa ko:

kapag alam ko na magkikita kita kami ay nanghihiram ako ng mamahaling gamit sa mga kakilala ko, halimbawa Iphone, syempre ang papalabasin ko sa akin ang iphone na yun, pero hindi ko manavigate ng tama yung cellphone ng maayos dahil hindi naman talaga sakin yun, ang sasabihin ko nalang eh inaaral ko pa kasi kakabili ko lang ng gamit ko na yon.

kapag usapan na ng trabaho, kapag nagkataon na bakante ako at ang mga kaibigan ko ay mukang matagumpay na sa kanikanilang larangan ay gumagawa din ako ng kathang isip na trabaho ko. kunwari isa na akong TL o trainer sa isang kumpanya ng call center sa makati, syempre bigatin ang kwento ko. ang hindi ko lang sigurado kung nabenta ba ito sa mga kaibigan ko na nagsasalubong ang mga kilay at panay ang sulyap sa isat isa tila walang paniniwala sa mga sinasabi ko. pero ako tuloy lang ang kwento, wala na kong pakialam kung maniwala sila sa hindi ang akin lang pangangatawan ko ang mga kwento ko.

basta ganito lang ang buhay ko, paikot ikot, gawa ng kwento dito at doon.

ganito naman ako sa mall.

kapag nasa mall ako, ang una kong ginagawa ay bumibili muna ako ng kape at uupo sa al fresco, magyoyosi at tingin tingin sa paligid ko, kapag may dalang laptap ay gagamitin ko din ito para mag check ng mga messages and updates online, sa likod ng isip ko, sana may makakitang tao sakin na kakilala ko na nandoon ako sa lugar na yon na gumagamit ng laptap at nahigop ng mamahaling kape habang may usok ang bibig gawa ng sigarilyo.

kapag tapos na ako, papasok na ako sa mall para tumingin tingin sa mga stores, aba hindi lang basta stores ang pinupuntahan ko dapat doon sa mahal. sa guess, topman, folded and hung basta mga ganyang tipo, pihikan din kasi ako sa mga gamit ko, gusto ko talaga ay branded at signatures ang mga binibili ko ang tsinelas ko nga ay nagkakahalaga ng libo pero simple lang naman siya, mahal lang dahil sa tatak nito.

nakakapagod ang maglakad lakad sa loob ng mall kaya naman gugutumin ako pero ayaw ko pang huminto kaka ikot sa loob ng mall kaya naman bibili muna ako ng tinapay aba hindi lang basta tinapay ito dapat gawa ng french baker o mga tindahan kasing mahal din ng tinda nito. syempre lakad ulit habang kinakain ko ang mamahaling tinapay ko. papasok ako sa bilihan ng mga gadget mula sa cellphone, digi cams, laptap, mp3, psp at kung anu ano pa kasi pakiramdam ko dapat sa mga ganun lugar ako napunta kahit hindi pa ako bibili ng mga bagay na yun, tinitignan ko lang ang latest nila at ang mga presyo para kapag may nakaharap akong techi na tao ay hindi ako mahuhuli sa usapan at makakapagyabang pa ako kapag ako ang naunang magkwento tungkol sa pinaka bagong labas na gadget sa merkado.

kakain na ako, san ba ang maganda at astig na kainan? kakain ba ako sa food court na may lutong bahay, sizzling food, at kung anu ano pa. sa wendys o burger king kaya kung gusto ko ng burger, sa tokyo tokyo, karate kid o teriyaki boy kung gusto ko ng japanese cuisine? sa bario fiesta or max restaurant kung gusto ko ng resto feeling, kfc o kenny rogers kung trip ko ang kumain ng manok kahit saan basta wag lang sa jollibee kasi naman ang feeling ko ang jologs ko pag doon ako kumain masyadong pang masa ang dating, kinapa ko ang bulsa ko, syet kaunti nalang pala ang pera ko tara Mc do nalang ako, at least hindi jollibee ito.

napansin mo na naman siguro na mahilig ako sa mahal na gamit, kaya naman basta may tatak ang bagay na to, kahit hindi ko naman kailangan ay binibili ko, lalo na kapag hulugan, importante sakin ang mga ito, pwede ko siyang ipagyabang sa mga susunod na kwento ko. naiinis nga ako sa mga perfume station, puro imitation sila hindi naman nila makuha ang tunay na amoy ng orihinal na pabango kaya sumumpa ako sa sarili ko na kung hindi orihinal ay yung mga class A na pabango lang ang bibilhin ko basta ang gusto ko ay umaabot ng libo ang halaga syempre ulit pampaganda ng kwento ko.

sabi nga ng kaibigan ko ang taas daw ng lifestyle ko, sabi ko naman hindi naman sa ganoon, ito lang talaga ang buhay na gusto ko.

at napaguusapan na rin naman ang lifestyle na pinili ko para sa buhay ko, ikwekwento ko din sa inyo ang paraan kung paano ako mag relax, trip ko yung spa, masarap kasi ang mag sauna at balita ko maganda to sa kalusugan at katawan ng tao, may masahe pa na talaga naman makakapag alis ng pagod sa mabilis at nakakapagod nating pamumuhay. dapat sa may sinabing spa ako pupunta kasi naman sigurado akong may makakasabay akong mga kilalang personalidad na nagpupunta din sa lugar na yon, ano pa nga ba syempre gusto ko ito dahil gaganda na naman ang kwento ko kapag nakita ko na ang mga kaibigan ko.

nagtataka kayo kung paano ko natutustentuhan ang ganitong klaseng buhay kahit na minsan ay wala naman akong trabaho, may maliit kasi kaming kabuhayan sa bahay, pero madalas inuutang ko lang ang mga perang ginagamit ko para gawin ang mga bagay na gusto ko, nangangako lang ako na ibabalik ko agad ang pera pero madalas hindi ko na nababayaran ang mga nahiram ko lalo na kapag mabait yung kaibigan na inutangan ko, nahihiya ba ako? hindi ko alam pero hindi ko nalang iniisip, kasi sinigurado ko na bago ko siya nahiraman ng pera ay nailibre ko at naparanas ko na sa kanya ang masarap na buhay ko, nagdadahilan nalang ako minsan na gipit lang ako ng kaunti kaya nanghihiram ako, minsan kapag minamalas at talagang makulit sa paniningil yung nautangan ko ay naghahanap ako ng paraan para mabayaran siya agad ang kaso lang ang nakikita kong paraan ay umutang ulit para bayaran ang utang ko sa makulit na naniningil sa kin.

hindi ko nga alam kung talagang masaya ang buhay ko o masaya pa ba ang mga kaibigan ko na nakapalibot sakin, hindi ko na din alam kung ano ang tingin nila sakin.

siguro hindi na mahalaga kung ano ang pagkakilala nila sakin, basta ako masaya ako sa pinili kong klase ng pamumuhay ko.

katulad ngayon, gusto ko na naman mamimili ng mga gamit, gumimik, gumala pero sa ngayon wala pa akong pera eh.

may tanong ako sayo, atin atin lang to ha, may pera ka ba, pede ba makahiram muna sayo? sa makalawa ko na ibabalik,

UTANG lang naman eh, ito naman parang iba pa ako sayo, nilibre na kita dati at nakwentuhan naman kita ng buhay ko sa sulat kong ito.



ikaw ba nakilala mo na ako? tara kaibiganin mo ako.

Wednesday, July 29, 2009

bubwit

miskol galing sa isang landline ang nakuha ko kahapon at dahil sa hina ng cellphone ko o dahil sa bingi ng tengga ko ay ilang beses ko hindi nasagot ang tawag.

nilapit ko na sakin ang cellphone ko para kapag may tumawag ulit ay masagot ko na.

ring...

hello kumag? sabi sa kabilang linya.

kilala ko na ang boses galing sa classmate ko nung highschool.

o bakit? ano meron? tanong ko.

samahan mo naman ako sa miyerkoles punta ko ng Pagcor.

weh anong meron dun?

basta sumama ka nalang, tapos nun punta tayo sa rob ermita ikot-ikot, kape na din.

kahit nagdadalawang isip ay umoo naman ako kahit may papanoorin sana akong show sa araw na yon.

sabi ko yun lang ba? sige tawag nalang ulit ako sayo ha.


binababa ko na ang telepono.


sa isip ko ayaw ko talaga sanang sumama kaso ang hirap mag sabi ng "hindi" sa isip ko sa mismong araw nalang ako magsasabi na hindi ako pwede. pero naisip ko minsan lang naman kami lumabas ng classmate ko na to at magtatampo daw siya kapag hindi ako sumama.

sa madaling salita, sumama ako

gabi ng martes

bago pa man mag hapunan ay namalengke muna ako at pagkatapos mamili ng ulam ay nagpunta ako sa hardware para mag hanap ng fly paper.

pag dating ko doon ay may naunang costumer sa akin at bilang isang magalang na tao ay hindi muna ako sumasabat sa usapan nila, intsik na babae yung may ari ng tindahan pero nanagalog naman kaya hindi ko na kailangan mag construct ng english sentence sa utak ko, sabi ko pa mapapabilis na din ang pag bili ko.

umalis na yung naunag costumer mag sasalita na sana ako ng may marinig akong tinig

"may barnish kayo?" galing sa isang batang bibo.

anak ni taning! mag bibitaw na sana ako ng linya na " pabili ng fly paper" naunahan ako ng bibong bata.

mabuti nalang ay nirefer sya sa isang tauhan ng hardware at inasikaso na ako ng intsik na ali

" ano hanap mo? " wow tagalog hehe easy lang to.

meron kayong fly paper?

huh? yada yada yada... at napakaraming yada!

shet hindi ako maintindihan ng aleng intsik at hindi ko din maintindihan ang mga sinasabi nya kaya yada yada nalang ang sinulat ko.

may isang concern citizen at nag dayalog na, " yung fly paper ng baygon, yung madikit.

ah!.. yung papel na madikit sabi ng ale,

ting! kumislap ang gilid ng mata ko, sa wakas at naunawan din nya ang mga pinagsasabi ko, medyo naging abala siya para hanapin ang madikit na papel at ilang sandali pa.

cheden! cheden! cheden!

buong giliw nyang inaabot sa akin ang isang bagay na kinalaglag nalang ng panga ko.

bakit nya ako inaabutan ng packing tape na gawa sa papel?

pilit pinoproseso ng kulot kulot kong utak ano ang koneksyon ng packing tape sa binibili ko sa tindahan nya, mabuti nalang nagpaliwanag ang aleng intsik. at ito ang paliwanag nya.

"ayan oh, madikit at papel."
may point nga naman siya

salamat at nagbigay siya ng paliwanag kung bakit ayun ang inabot nya sa akin kung hindi ay baka natuluyan nalang nawala ang itim ng mata ko sa paniningkit. at kahit medyo tuliro pa ako sa pangyayari ay nagawa ko pa din sumagot.

ay hindi po yan, iba po yung binibili ko.

ay hindi ba ito? sambit nya at sabay turo sa mga nakasabit sa bandang kanan nya, ayan saan ba dyan?

pag tingin ko sa kanan aba maraming nakasabit may

packing tape na gawa sa plastic at papel
electrical tape
mga reflectorize na tape
at kung ano ano pa, may nakita pa akong kadena ng aso.

ah hindi po yan yun, fly paper po.

ah fly paper ba? wala kami nun! sabay talikod.

ay AMBOT!!! ayun nalang ang nasabi ko.

lipat ulit ng tindahan at sa pagkakataong ito ay nakabili na ako.

sa bahay.

maingat ko na pinaghihiwalay ang dalawang magkadikit na piraso ng fly paper ng baygon, gusto ko kasing mahuli ang mga bubwit na nakikita kong namamasyal sa kusina at sala namin. nang nahiwalay ko na, nilagay ko ito kung saan madalas kong makitang nagdadaan ang mga tropa ni mickey mouse.

mga ilang saglit pa, may naririnig akong kuluskos parang horror movie lang ang dating kahit medyo kabado ay hinanap ko kung saan galing ang ingay.

jackpot!

huli na ang isang bubwit at dahil doon ay ginanahan akong manghuli hehe habang naka log in ako sa FB ay nag iintay ako ng iba pang bubwit na mahuhulog sa patibong ko. ang tantya ko kasi ay tatlo sila mga asungot na panay ang gapang sa sahig namin sa hindi ko malamang kadahilanan ay kung paano sila nakapasok sa bahay namin.

mga ilang minuto pa ay nakahuli ako ng limang bubwit at kahit parang tanga lang ako na iwas na iwas sa fly paper dahil bukod sa takot ko sa kamatayan ay pasok din sa unang lima ang mga daga sa kinakatakutan ko sa buhay. iwas lang ng iwas at dahil doon muntik ko pa silang matapakan dahil na naman sa kaengutan ko, tumatapak ako sa sahig na malapit sa kanila at kaya ako napatapak doon aynakimutan ko na doon pala nakapwesto ang fly paper kaya na pa cha cha nalang ako sa kakaiwas habang malakas ang lakas ang kabog ng dibdib ko. engot talaga.

laitin mo na ako ngayon kung sino ka man pero takot talaga ako sa daga.

sa isang patibong ko ay may tatlong bubwit na nabiktima at sa kabila naman ay dalawa,

aba!? anak ng mga pagong na walang bahay sa likod!!!

akala ko tatlong mag katropang bubwit lang ang tinatambangan ko lima pala sila, siguro may isang nakakadiring inahing daga na ginawang "lying-in" ang isa sa parte ng bahay namin ng hindi nagpapaalam samin, natunugan nya siguro na wala kaming alang pusa at nagdesisyon syang isilang ang mga nakakadiring nyang mga babies kung saan man sa loob ng bahay namin.

hindi pa naman biro ang bilang ng sanggol ng nanay na daga, baka mga sampu o lagpas pa at dahil dyan ay kailangan ko magtanim ng maraming patibong sa loob ng bahay.

ang bilang na limang bubwit ay hindi na din masama kaya naman ako ay matutulog ng may ngiti sa aking mga labi.

nahiga na ako at nagsubok matulog.

naisip ko na naman, may lakad pala kami ng classmate ko bukas pero tinatamad pa rin ako, sa kakaisip ko ng lakad namin ay nagising ng husto ang diwa ko, pag silip ko ng oras sa cellphone ko ay ala una na at kailangan magising ako ng ala sais ng umaga. pero dahil sa kakaisip ko kung sasama ba ako o hindi lalo nalang naging mulat ang diwa ko.

alas dos na gising pa din, lahat ata ng pwesto sa paghiga nasubukan ko na pero hindi ako makasagap ng signal ng antok.

alas tres na at masakit na ang ulo ko, nappressure na ako dahil kaunti nalang ang itutulog ko pero ito ako, dilat na, mulat pa!

bangon, sindi ng yosi, inom ng gatas.

balik sa higaan, pumikit

ayon tulog na ata ako.

may karugtong.

Tuesday, July 28, 2009

na uuta na ako


halos isang dekada na pala si PGMA sa upuan nya sa palasyo. hindi ko namalayan na sa bawat pikit ko gabi gabi ay umabot na pala sa walo o siyam na taon ang pagkapanggulo ni GMA.

naalala ko pa ang mga masasaya at hindi malilimutang mga eksena sa Edsa. isa ako sa mga estudyante na dumalo sa kaganapan na yun. Pumunta kami doon isang araw bago dumaan si erap sa likod ng palasyo para hindi abutin ng mga taong nagrarally. at ang kaganapang iyon ang simula ng kwento ng pilipinas sa pamumuno ni gloria.

bakit ba ako sumama sa edsa noon? ang alam ko lang ay may gusto akong ipaglaban at iensayo ang aking karapatan. siguro dala ng pagkamapusok ng kabataan ko at nagkataon na may kaparehong saloobin ako sa mga kaeskwela ko kaya naman napasama kami sa pag punta ng edsa.

mula sa unibersidad na pinapasukan ko sa cavite papuntang edsa ay nakatayo lang kami sa bus dahil sa dami ng estudyanteng dadalo.

naalala ko doon ko unang pinakinggan mabuti ang kantang "cruisin" yung duet na kanta. trapik buti may radyo sa bus

ilang bus kaming tumulak papuntang edsa pero nahihirapan kaming lumuwas papuntang manila dahil hinaharang ang mga sasakyan lalo na ng mga rallista, balita ko isang senador na ngayon ang nagpapaharang ng mga rallista na di naglaon ay kumampi din kay gloria at ngayon ang napipintong pagtalikod na naman nya kay gloria.

pag dating sa edsa, ang daming tao mapupusok at mga palaban meron silang mga bitbit na plakard at kung anu-anong mga "chant" ang mga sinisigaw nila. tumuloy muna kami sa La Salle Greenhills para ayusin ang mga gamit namin bago kami sumabak sa rally.

fast forward

napatalsik si erap at pinalitan ni gloria.

ang pilipinas. ilang buwan lang ang nakakaraan, nagtangkang magkaroon ulit ng isa na namang Edsa power para patalksikin si gma ngunit sa kakulangan ng suporta hindi ito nagtagumpay.

impeachment at sinundan pa ng napakaraming impeachment ayan ang pinagkaka abalahan ng oposisyon sa senado bukod siguro sa pag liban nila sa pagpasok o pagbabakasyon sa ibang bansa.

iskandalo ng first gentlemen na sinundan pa ng sunod sunod na iskandalo ng asawa ni gma.

reklamo at rally ng taong bayan na sinundan pa ng napakaraming rally ng taong bayan.

krisis sa bigas, petrolyo na sinundan pa ng napakaraming krisis ng bigas at petrolyo.

mga nasalantang pilipino na sinundan pa ng mga napakaraming nasalantang mga pilipino.

unang SONA na sinundan ng napakaraming SONA ni GMA.

noong nagrarally ako sa edsa, nawala sa isip ko na si gloria pala ang bise presidente at ang batas na kung mawawala sa pwesto ang presidente ng pilipinas ay agad itong papalitan ng bise presidente. masyado akong abala sa pag sigaw at pag mamartsa sa edsa at nakaligtaan ko ang ipapalit sa pangulong pinapatalsik ko.

nakita ko na lang isang umaga, si gloria na stage kasama si davide, nakataas ang kanang kamay at sumusupa na para sa katungkulan nakamit nya.

basta ang alam ko, nanalo ako dahil wala na si erap sa pwesto, kahit marami na din ang reklamo dahil GMA.

hindi naman talaga ako nanood ng SONA noong panahon ni erap, kay gloria lang, bukod sa cartoons lang ang intresanteng panoorin para sakin ay hindi pa ako intresado sa pulitika.

bangkang papel- ayan ang ginamit ni gloria noong unang sona nya, at namangha ako sa mga bata na sumulat daw kay GMA gamit ang bangkang papel dahil sila ay second year college na. hindi ako makapaniwala sa bilis ng panahon.

kada SONA humahanga ako kay gma dahil sa magaling niyang pagbibitiw ng kanyang talumpati, kalakip ang ang paniniwala at pag asang totoo ang mga iniuulat nya tungkol sa ating bansa, pero hindi talaga kayang ikubli ang mga bahong naipon ng adminstrasyon arroyo at nabawasan na ng husto ang kredibilidad meron siya. ang tanging alam ko lang ang bansang pilipinas ay hindi pa rin umuunlad hangang ngayon.

natanong ako ng isang kaibigan, ano daw ba ang katangian ng dating mga pangulo dati at bakit tila isa tayo sa mga nangungunang bansa sa asya.

sabi nya "kaya idol ko si marcos eh"

okay naman talaga si marcos eh minus lang ang pagpapatay at ang pagbabawal sa pagpapahayag ng damdamin. sagot ko sa kanya.

"haha uo nga!" sabi nya.

sino kaya ang papalit kay gloria? tanong ko naman.

hindi ko maalala kung sinagot nya yung tanong ko.

sa tingin ko walang ng magiging mahusay na pangulo ng pilipinas sa ngayon, lalo pa at maraming trapo ang nag aabang sa upuan na iiwan ni gloria sa palasyo.

sa sarili kong pananaw mahusay naman si gloria at ang mga nagnanais na umupo sa pwesto, saludo ako sa husay nila, pero sa ngayon.. mas mahusay na ang taong bayan sa pagrereklamo hindi tulad noon na kaunti lang ang taong lumalabas ng kalye para ipagsigawan ang gusto nilang ipaglaban kumpara ngayon na napakaraming pamaraan na para marinig ang boses ng pilipino.

sa tingin ko lang talaga ngayon, hindi na basta reklamador ang mga pinoy ngayon may pamamaraan pa sila para iparinig nila ang reklamo.

mga reklamong sinundan pa ng napakaraming reklamo.

nakakasawa na ang pulitka at ang reklamo dahil paulit ulit nalang.

ang larawan sa taas ay galing dito: mike-servethepeople.blogspot.com/2008_06_01_a...Alis
salamat at pasensya kinuha ko ng walang paalam.

My Blog List

Followers

About Me

My photo
siguro mas swerte kumpara sa iba at ganoon din naman ang iba kung sa akin ikukumpara.